Friday, August 26, 2011

Pag-asa na Walang Gitling [Unedited]


Noo'y Alas Kuwatro ng hapon. Ang mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan ay nagsimulang magsipag-uwian na.  Madilim ang langit - tila nagbabadyang uulan sa paglipas pa ng mga oras.

Ilan sa mga estudyante ay nagmamadaling nililinis ang kanilang silid. Maging ang mga guro ay nagsipagligpit na ng kanilang mga gamit. Si Anton, bagamat hindi isa sa mga nakatakdang maglinis ng silid sa araw na iyon, ay nakaupo pa rin sa kanyang silya. Hawak-hawak niya sa kanyang mga kamay ang kanyang test paper. Mataimtim niya itong tinitigan na para bang hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita.


Si Anton ay isa sa mga matatalinong bata sa kanilang paaralan. Kung hindi man palagi, ay kadalasang siya ang pinipiling pambato ng kanilang paaralan sa mga paligsahan at kumpetisying pang-akademya. Hindi pa niya kailanman nabigo ang pagtitiwala ng kanyang mga guro at paaralan, sapagkat sa bawat paligsahan at kumpetisyon na kanyang sinasalihan ay lagi naman siyang nangunguna. At kung hindi lang sana sa katayuan ng buhay nila, ay maaring mas higit pa ang kanyang naiuuwing karalangan para sa kanyang kanila. 

Mahirap lamang sila Anton. Ang kanyang ina ay isang mananahi ng mga basahang yari sa mga patapong tela na hinihingi niya sa mga pabrika, at saka ito ibinibenta sa palengke pagkatapos. Ang ama naman niya ay isang mangingisda, na nanghihiram lamang ng bangka sa kanyang kumpare upang makapanghuli sa dagat. May dalawa pa siyang kapatid na kapwa hindi nag-aaral. Si  Nene bagamat nasa wastong gulang na para makapasok sa grade 1, ay hindi pa rin nag-aaral sapagkat sa kasalukuyan ay hindi nila kayang mapagaral ng sabay si Anton at si Nene. Si Duday naman ang bunso ng pamilya ay 3 taong gulang pa lamang.

Dahil siya ang taning nag-aaral at dahil sa kanyang katalinuhan, tanging siya ang inaashan ng kanyang pamilya na mag-aahon sa kanilang kahirapan. dahil dito, ay nagsusumikap si Anton sa kanyang pag-aaral. laging perfect ang kanyang mga pagsusulit. lagi siyang champion sa mga kumpetisyon. lagi siyang may uwing medalya sa kanila. Ngunit ngaun ay...



"Hoy, Anton. Hindi ka pa uuwi? Tapos na kaming maglinis at isasara na namin itong silid."
"Teka, uuwi na rin ako kasabay ninyo," wika ni Anton.

Itinupi ni Anton ang hawak niyang papel, at isinilid iyon sa kanyang bulsa. Kinuha niya ang kanyang bag, at saka iyon ay binuksan. Naglalarawan ang kanyang bag sa tunay na estado ng kanilang buhay - ang tela nito'y kupas na, may ilang bahaging napunit na't dahil sa kulumaan - ang bukasan nitong nakanganga na tanging isang perdible na lamang ang nagpapanatili nito upang hindi bumuka. Hinubad niya ang kanyang uniporme na kung titingnan ay ibang-iba sa itsura ng kanyang bag. Ito'y malinis, puting-puti, at bago. Totoo, sapagkat ito ay bigay ng kanilang prinsipal noong siya'y nakipag-compete sa isang kumpetisyon sa matematika sa kabilang nayon. Kahiya-hiya siya kung nagkataon

Isinilid niya sa isang plastic bag ang kanyang uniporme, bago naman niya ito ipasok sa bag.

Nagtatawanan ang mga kaklase ni Anton habang sila'y naglalakad sa pasilyo. Kaiba naman nila si Anton na tahimik na naglalakad sa likod nila. Nakatingin siya sa langit. May ilang beses na kumislap ang ulap at pagtapos nito ay dumadagundong.


"Hoy! Anton," sigaw ng kanyang mga kaklase. Sila'y nakatayo sa harap ng gate ng paaralan, samantalang si Anton naman ay naiwang nakatayo sa covered walk at nakatingin sa kalangitan.

"Kanina ka pa tulala Anton. Nakakapanibago ka ngayong araw," wika ni Amanda, isa sa kanyang mga kaklase. Lumapit si Amanda mula sa likod ni Anton. Samantalang si Anton ay nagsimula nang naglakad papunta sa mga nauna niyang kaklase habang ang tingin niya'y nakabaling sa lupang kanyang nilalakaran. 
 Naglakad si Amanda sa tabi niya.


Si Amanda ay anak kapitan ng kanilang barangay. Bagamat mayaman, siya ay mabait sa lahat lalong-lalo na kay Anton.


"Huwag mo na iyong isipin Anton. Lahat naman tayo ay nagkakamali." ang wika ni Amanda.
Hindi natinag si Anton, hindi nabaling ang kanyang paningin sa kanyang tabi at ito'y nanatili sa lupa.


"Sige Anton, nandiyan na pala ang sundo ko. Babay!" ang sambit ni Amanda habang patakbong lumabas ng gate. Huminto siya sa tapat ng traysikel na sundo niya at sumigaw kay Anton.


"Pssssssst!"


Ibinaling ni Anton ang kanyang paningin kung saan naroon si Amanda. Nakita niyang kumakaway ito sa kanyan. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kamay, at ikiniway rin ito upang maging sagot sa pagpapa-alam ng kaibigan. Ngumiti siya ng bahagya. Pagkatapos niyon ay sumakay na si Amanda sa traysikel.


Noon na lang napansin ni Anton na ang kanyang mga kaibigan ay wala na. Maaring umuwi na't iniwanan siya. Naglakad si Anton papuntang gate at napabuntong hininga. Nagsimula na siyang maglakad pauwi sa kanila.


Madilim na nang dumating si Anton sa kanilang bahay. Pagkabihis niya'y nag-igib siya ng tubig at saka nilabhan ang tanging uniporme na sinusuot sa pagpasok sa paaralan. Ang ina niya ang nagsaing at nagluto ng kanilang ulam para sa gabing iyon. Ang ama naman niya'y nasa likod-bahay at iniayos ang lambat na gamit-gamit sa hanapbuhay. Ang mga kapatid niya'y wala sa mga oras na iyon - sila'y nasa kapitbahay at nakikinood ng telebisyon.


Matapos na labhan ang kanyan uniporme at ito'y maisampay, pumasok na si Anton sa kanilang bahay. Sa kasalukuyang nanahi ang kanyang ina ng mga pamunas na kanyang paninda. Napatingin siya sa mga medalyong nakasabit sa dingding ng kanilang sala.

Natakot si Anton. Hinigpitan niya ang hawak sa bulsa niya kung san naroon ang kanyang test paper. dahan-dahan siyang lumapit sa kanyang ina, at naupo sa tabi nito.

"Inay," ang nangangambang sambit ni Anton.
"O, bakit anak?" ang sagot ng kanyang ina.



Nagsimulang naluha si Anton. Umagos ang luha mula sa kanyang mga mata. Inilapag ng kanyang ina ang piraso ng telang hawak niya at niyakap si Anton.


"Bakit? bakit ka umiiyak anton? ano bang nangyari?"
"Inay., patawad po. Nabigo ko kayo." ang hagulgol ni Anton. Hinugot ni Anton ang testpaper sa kanyang bulsa at iniabot ito sa kanyang ina.


Ibinuklat ng kanyang ina ang papel na kanyang ibinigay. Nakita nito ang ilang sa mga tanong na may markang ekis. at ang iskor niyang 89 sa itaas na bahagi ng papel. Nakita ni Anton ang kabiglaan ng kanyang ina sa nakita. At dahil dito'y lalong napiyak si Anton at natakot.


"Inay, hindi ko po naperfect ang eksamin namin. Nakalimutan ko po kasing lagyan ng gitling ang pag-asa. Sinabi po kasi ng guro naman wrong spelling wrong raw," ang paliwanag ni Anton sa kanyang ina.


Ngumiti ang kanyang ina sa kanya, at inilapag sa mesa ang test paper. Hinawakan ng kanyang ina ang kanyan mga kamay.

"Anak, alam kong masipag kang mag-aral. Alam kong nagsusumikap ka ng husto dahil para sa atin. Gusto kong malaman mo na bagamat masaya ako at matataas ang nakukuha mong marka ay hindi ka namin pinipressure na gawin iyon. sapat na sa amin na mag-aral kang mabuti, makapasa sa pagsusulit at matuto sa aralin."

Tumingin si Anton sa kanyang ina.

"Lahat tayo ay tao lamang. Minsan nagkakamali, minsan talagang hindi maiwasan na makalimot. Huwag mo na dapat alalahanin ang resulta ng iyong test sapagkat ikaw ay pasado naman. At kahit pa nakalimutan mong lagyan ng gitling ang pag-asa, ay para sa akin ay tama rin naman ang iyong espeling. Para sa akin ang perfect ka pa rin."

Ngumiti ang kanyang ina sa kanya. Ipinahid nito ang kanyang  palad sa mga luhang tumutulo mula sa kanyang mata. Ngumiti si Anton, at niyakap na mahigpit ang kanyang ina.

"Ina, maraming salamat po."

No comments:

Post a Comment